Ang mag-ina

¡Giliw ng̃ pag-giliw! Kung ang pagmamahál
ay ipagagawa ng̃ sadyang larawan,
ang anyo at umpók at ayos na lagáy
ng̃ ating mag-iná, ang dapat huwarán.
Mapalad ang dukha na sa kasalatá'y
may kumakaling̃a't dibdíb na hiligán,
sapagka't ang gayóng laging kalayawa'y
hindi mábibilí ng̃ gano mang yaman.
¡Ilán ang may pilak na sa karamdaman
ay wala mang sukat tuming̃í't dumamay!
sakaling mayroon, iyón ay upahán,
¡upaháng pagsuyo'y walang kabuluhán!
Sandali'y lumipas sa pagayóng anyo't
nang nasiyahan na ang sabík na puso,
iná'y pinakain, ng̃ irog na bunso,
sa tulong ng̃ iláng maliit na subo.
Datapwa't sa bagsík niyong kasawiá'y
kumilos ang iná't tasa'y tinamaán
at ang nálalabíng kaunting linugaw
ay tumapong lahát sa silong ng̃ bahay:
Páhiná 12
Sa gayóng nangyari, kapuwa nagitlá
ang dalagang hirang at salantang iná,
itó'y sa dahiláng nababatid niya
na sa kinásidlá'y walang nátitira.
At walang kakanin ang anák na mahál
pagka't walang bigás ó kusíng man lamang
na sukat ibilí ng̃ ikabubuhay
na mailuluto hanggáng sa hapunan.
Si Tetay, gayon dín, pinasukang hapís,
dahil sa nátapon ang lugaw sa sahíg,
gayóng wala siyang ibibilí, kahit,
ng̃ sapát man lamang sa ináng may sakít.
Datapwa't gayón ma'y di nagpahalata,
sa kanyáng kandung̃an, iná'y ibinaba,
dinampót ang mangkók, pinahid ang basa,
at waring lálabas, tung̃o'y sa kusina.
—Mag antáy ka muna at aking kukunin
ang nátirang lugaw—ang wikang mahinhín—
—¿At kukunin mo pa?—ang sa ináng turing—
¿Kung gayón ay anó ang iyong kakanin?
Alám kong kagabí'y di ka naghapunan
at hangáng sa ng̃ayó'y di nag-aagahan,
kundí pa kakain ng̃ pananghalian
¿anó ang daratnín ng̃ iyong katawán?
Hapo sa paggawa, kulang sa pagtulog,
ang sa sarili mo'y hindi inaayos,
kung ikáw'y mapata, ilayó ng̃ Dios,
¿sino ang sa akí'y titing̃ín ng̃ lubós?
Ang sagót ng̃ anák—Ay giliw kong iná,
kung sa ganang aki'y huwag mag-alala.
sapagka't sa kalá'y lubhang marami pa
na makakain ko kung matapos ka na.
Páhiná 13
—Anóng pagkagandáng kasinung̃aling̃an!—
ang wika ng̃ iná sa anák na mahal—
oo't mayroon pa, sakaling balung̃an
ang palyók na tuyó na nasa sa kalán.
Sa gayóng náding̃íg, si Teta'y náng̃iti
pagka't batíd niyang ang iná'y di mali,
ng̃uni't ang hinala ni Ata'y pinawi
sa magandáng sabing nakabibighani.
—Maniwala iná't tunay na mayroón
at di kailang̃an ang siya'y bumalong,
kung sa ganáng aki'y di pa nagugutom
kanya't kukunin ko ang nátira doón.
Upáng sa sakít mo'y hindi makadagdág
iyang kakulang̃án sa kakaning sapát
at kung may malabí, iyon na ay sukat
na itatagál ko sa maghapong singkád.
Masabi ang gayón, kalán ay tinung̃o't
walang itinirá kahit isáng mumo,
ng̃uni't ng̃ makitang kaunting totoó
ang nakuha niya, ang puso'y nanglomó.
Pagka't magtipíd man ang kanyang maysakít,
ang gayóng karami'y kulang at di labis;
dito namighati ang masuyong dibdíb
at luha'y tumulo sa lakí ng̃ sákit.
Papanong di siya lubhang magdáramdam
sa wala ng̃ sukat dapat na asahang
makapagbibigay ó mauutang̃an
ng̃ ipamimilí sa kinabukasan.
Kaya't ng̃ pumasok na dalá ang tasa
ay hindi napigil ang luha sa matá,
datapwa'y sa nasang ilihim sa iná
ay nagpakunwaring siya'y tumatawa.
Páhiná 14
Ang ina'y namangha sa nakitang anyo
ng̃ bugtóng na anák at giliw na bunso:
waring nakang̃iti, luha'y tumutulo,
bibig nakatawa't matá'y namumugto.
—¿Anó ka mayroon?—ang tanóng ni Ata—
¿anó't namumugto iyang mg̃a mata?
¿anó ang hapis mo, bakit di ibadyá?
—ang kay Tetang tugo'y—Walang bagay iná.
Naalala lamang na kungdi ihatid
yaríng aking tahing panyong maliliit
ay wala na tayong sukat ipangtawid
sa loob ng̃ araw ng̃ lingong sasapit.
Kaya't kung ibig mo, ináng ginigiliw,
ay maghinahon na't ikaw ay kumain,
ng̃ upáng matapos ang aking tahii't
aking maihatíd sa ng̃ayón ng̃ayón din.
—Ikáw na anák ko ang siyang humigop
niyang nátitirang nakuha sa palyók
—ang wika ng̃ ináng halos nalulunod
sa lakí ng̃ dusang sa puso'y nagdoop.
Dito na nangyari ang pagpipilitán,
ng̃ bugtóng na anák at sintáng magulang;
aayaw ang isá't ang isá ay ayaw,
na wari'y kapuwa busóg na ng̃ang tunay.
Kahit mapag-aba't matigás na dibdíb
ang sa anyong iyo'y minsang makásilip
ay mahahabág di't pápasukang pilit
niyong pagkaawa sa mag-ináng ibig.
Pagka't ang kaniláng pagpapasunuran
ay buko ng̃ isáng boong pagmamahál,
ang ibig ni Ata'y mabusóg si Tetay
at si Tetay namá'y ang kanyáng magulang.
Páhiná 15
¿Sino ng̃a bang iná ang makababatá
na hindi kumain ang anák na sintá?
ng̃uni't sinong anák ang makakakaya
na makitang gutóm ang giliw na iná?
Kaya't ang nangyari, silá'y nagkásundo
na ang bawa't isá'y tig-iisang subo
doon sa nálabí na pagkaing luto
na kaunting lugaw ina may luhang halo!

Rate this poem: 

Reviews

No reviews yet.